Edgar Matobato, kinasuhan ng frustrated murder

Frustrated murder ang kasong isinampa ng NBI Region XI sa piskalya ng Digos City laban kay Edgar Matobato na nagpakilalang miyembro umano ng Davao Death Squad. Itinuro si Matobato ni Attorney Abeto Salcedo Jr., isang Retired Regional Agrarian Reform Adjudicator ng Department of Agrarian Reform XI na siyang bumaril sa kanya noong October 23, 2014 sa highway ng Digos City papunta sana noon sa isang hotel si Salcedo mula sa isang hearing sa kaso ng lupa sa DAR sa Digos.

Maswerteng nakaligtas si Attorney Salcedo. November 2014 lumabas ang artists sketch ng responsable sa NBI pero netong September 15 lang hinawakan ng NBI ang kaso ni Salcedo matapos lumutang sa Senate hearing si Matobato.


Ikinumpara pa niya ang hitsura ni Matobato sa telebisyon sa artists sketch na ginawa naman noong 2014.
Giit ni Salcedo positibo siyang si Matobato ang bumaril sa kanya.

Atty. Abeto Salcedo Jr: “I really saw his face because it was so close. It was only the window or the door of the right front seat of my pick-up truck where I was inside.”

Sa unang affidavit ni Atty. Salcedo Jr, sinabi niyang may kaugnayan sa lupa kung bakit nagkainteres si Matobato sa kanya.

Atty. Jeramil Libre: “The suspect happens to be Edgar Matobato and there are other persons who are also implicated but we are yet to determine if they should be included or not.”

Ayon naman kay Pangulong Rodrigo Duterte, wala siyang natatandaang Edgar Matobato dahil maraming pulis at sundalong nakaassign sa kanya bilang bodyguard.

Itinanggi ng pangulo ang mga akusasyon sa kanya ni Matobato gayundin ang alegasyon na siya ang nasa likod ng pagpapaalis kay Senator Leila De Lima bilang chairman ng Senate Justice Committee.

Inaasahang may dalawa pa hanggang tatlong pagdinig pa ang gagawin tungkol umano sa extra judicial killings kung saan naroon parin si Matobato.